Category: Pinoy Movies

Diary ng Panget the Movie: Bakit at Ano bang Napala Ko Dito?

Image

 

Pinanood ko ‘to noong isang araw. Nagkaroon kasi ako ng pagkakataon kaya sinunggaban ko na kahit pa solo flight na naman ang peg ko.

Hindi ganoon karami ang tao sa sinehan. Siguro kulang-kulang bente kaming nanood nun.

Bakit nga ba ako naglaan ng halos dalawang oras at gumastos ng 230php para sa pelikulang ‘to?

Una. Nacurious ako. Matagal-tagal ko na rin kasing naririnig ang tungkol sa librong Ang Diary ng Panget. ‘Yung bunso kong kapatid na humaling na humaling sa KPop at Wattpad nakuha pang magdala ng ganitong libro sa bahay. Hiniram yata niya sa kaklase.

Pangalawa. Nakakakilig ang napanood kong trailer. Aaminin ko, kinikilig ako sa kagwapuhan ni James Reid. May recall pa sa ‘kin ‘yung themesong na No Erase na kalaunan ay hinanap at dinowload ko na rin mula sa Youtube.

Pangatlo. Mga bagets ang bida kaya siguradong wala masyadong kissing scenes, sampalan, sigawan, bugbugan moments dito na talamak sa ibang adult Pinoy romance films. Kumbaga, tamang kilig at pampagood vibes lang ang pelikulang ‘to.

Pang-apat at panghuli. Dumating ako sa meeting place nang maaga ng tatlong oras. Kailangan kong aliwin ang sarili ko habang hinihintay ang kasama ko. Mahaba-haba ang tatlong oras para palipasin sa loob ng mall.

Eh ano nga bang napala ko sa panonood nito?

Una. Kinilig ako sa mga eksena nila Eya at Cross. Yun na.

Pangalawa. Natuwa naman ako sa mga eksena nila Eya at Chad, Eya at Lori, at Lori at Chad. Pati na rin sa ilang eksena ni Candy Pangilinan. Ang kulit lang ng karakter ni Candy bilang mayordomang nagtatapang-tapangan/ nagsusungit-sungitan. Bagay na bagay sa kanya. Paborito kong eksena nila Eya at Chad ‘yung sa carinderia kung saan sila unang nagkakilala. ‘Yung mga banat kasi ni Eya eh, muntanga lang. In fairness naman kay Nadine Lustre, nabigyan niya ng hustisya ang linyang, ‘Take out?’ At si Andre Paras, okay siya ah. Hindi siya ‘awkward’ umarte.

Pangatlo. Nakapagpahinga ako ng bongga sa sinehan. May higit 30 minuto rin kasi akong nagpalibot-libot sa mall dala-dala ang backpack kong naglalaman ng tatlong theses. Nakakapagod rin kaya laking ginhawa noong naipahinga ko na ang pwet ko sa malambot na upuan.

Pang-apat at ang pinakaimportante. Nakaubos ako ng dalawang oras sa panonood ng pelikulang ‘to. Sakto kasi paglabas ko ng sinehan, eh walong minuto na lang bago mag-ikalawa ng hapon. Naghintay na lang ako ng mga dalawampung minuto pa para sa pagadating ng kasama ko.

Sa kabuuan, naging maganda naman ang karanasan ko sa panonood ng Diary ng Panget. Sabagay, wala naman kasi akong kasama kaya walang sinuman ang pwedeng kumontra sa desisyon ko. Isa pa, hindi ko pa nabasa ang libro kaya hindi ko alam ang pwede kong i-expect sa palabas aside sa kiligin ako. Hindi ako nag-expect, kaya hindi rin ako na-disappoint.

Magandang pang-deviate na rin ng mood ang Diary ng Panget. Tama lang kasi ang timpla. Hindi OA umarte ‘yung mga bagets. Bilib nga ako sa mga nagcast sa kanila. Sa apat na main actors (Nadine Lustre, James Reid, Yassi Pressman at Andre Paras), kay Andre talaga ako humanga. Well, hindi naman award-winning ang pag-arte niya, pero ‘yung mga ‘moments’ niya sa pelikula, almost perfect para sa ‘kin. Natural lang sa kanya ‘yung naging pagganap niya sa papel ni Chad.

Oo, ang babaw talaga ng pelikulang ‘to. Kung ihahambing ang diary ni Eya sa ibang diary na nabasa ko, sobrang kababawan nga ang mga ibinahagi ni Eya base sa mga ipinakita sa pelikula (kapag may pagkakataon, ichecheck ko ang libro). Pero kasi kanya-kanyang pag-atake at pagtingin lang din naman ‘yan sa buhay. Masakit lang isipin na ang isang babaeng taghiyawatin ay panget na agad sa paningin ng nakararami. Hindi naman nila kasi kasalanan ang maging ganun. Nakakarelate ako eh. Nakakastress kaya ang sobrang daming pimples tapos ‘yung iba kung makatingin eh wagas. Iniisip ko na lang, kung makinis mukha ko, panigurado sobrang ganda ko na! Yun eh!

Sa mga bumubuo ng Diary ng Panget at sa mall na isinakto ang showing sa oras na tugma sa schedule ko, salamat. Ang laki ng naging pakinabang nito sa ‘kin.

Sa susunod, manonood ulit ako ng mga random na pelikula kapag dumating na naman ako ng sobrang aga sa usapan.

Isasapelikula na rin pala ang Lumayo Ka Nga Sa Akin ni Bob Ong. Baka ito na ang maging kasunod. Sana sumakto ulit sa schedule ko. 😀

 

Photo credits: Image used was grabbed online. Credit to owner.