Husay Mo Talaga Manong Bob!

“Mahal mo ba ako? Mahal mo pa ba ako? Minamahal mo ba ako?

Hindi mo alam?

Minahal kita. Mahal pa rin kita. Minamahal kita. Tatlong bagay lang sa mundo ang alam ko sa mga sandaling ito.”

–  SI ni Bob Ong

Aaminin ko, medyo naguluhan ako sa ilang bahagi ng istorya. Wala akong binasa o nabasang review patungkol sa nobelang ‘to kaya hindi ko rin alam kung ano ang i-eexpect. Ang alam ko lang, kailangan ko itong basahin. Bilang masugid na tagabasa ng mga libro ni Bob Ong, hindi pwedeng palagpasin ko ang isang ito.

Nasa ¼ na yata ako nang marealize kong baliktad pala ang takbo ng kwento, paurong at hindi pasulong. May ilang flashbacks din patungkol sa pinagdaanan ng ilang karakter sa istorya. Sa kabuuan, pakiramdam ko nag– time travel talaga ako habang binabasa itong akda ni Bob Ong.

Magaling at matalino ang pagkakasulat niya. Hindi conversational ang mga pahayag kaya parang bumalik na rin ako sa sinaunang panahon habang binabasa ito, sa panahon nila Maria Clara. Puno ng metapora ang mga pahayag ngunit hindi naman ito sumobra para hindi na rin maumay ang mambabasa. Magandang nakakabasa ng ganitong uri ng pagsulat paminsan-minsan. Mapapaisip ka eh. You have to read between the lines to fully understand what the author is trying to imply.

Gustong-gusto ko iyong kwento ng pag-iibigan nila Victoria at ni…hmmm, hindi ko yata nakuha ang pangalan ng bidang lalaki dito sa aklat ni Bob Ong.( Meron bang nakasulat? Sabi na eh, kaya parang may kulang sa mga detalyeng naglalaro sa utak ko ngayon.)

Hayaan na. Balik tayo sa kwento ng pag-iibigan ng dalawang bida sa istoryang ito. Panigurado ang daming nakarelate sa ilang bahagi ng kwento. Marami ring nasaktan nang mabasa kung paano ‘naghiwalay’, nagkitang muli at nagkasakitan lang ulit ang dalawa. Panigurado, marami ring natuwa habang binabasa kung paano naganap ang kasalan nila, kung paano nila ipinagdiwang ang kaarawan nila nang magkasama, kung paanong naipakikita pa rin nila kahit sa harap ng publiko kung gaano nila kamahal ang isa’t-isa at kung paanong hinarap nila ang lahat ng mga pagsubok nang buo ang paniniwala at pananalig sa Diyos. Nakakatuwa na inihayag sa kwento kung gaano kaimportante ang pananalig sa Maykapal. Totoo nga’t malupit ang mundo, pero ang Diyos, hinding-hindi Siya magiging malupit sa atin. Sa kabila ng lahat ng problema, makakaasa tayo na lagi Siyang nandiyan para bigyan tayo ng lakas, para tulungan tayo.

Ang pinakapaboritong bahaging nabasa ko rito ay iyong liham ni Rita kay Juliano, anak nila Victoria. Ito ang nilalaman ng liham:

“Hindi ka na dapat magulat. This is for the best. You know I love you and care for you. And I gave my all for this relationship to work. But I can only do so much. This is where I draw the line. After all the movies missed, forgotten occasions, places we could have gone to, adventures we could have had, and love, dreams and moments we could’ve shared and enjoyed together, I’m finally getting a clue. You’re a smart person, but you’re devoid of love. You don’t know love. You don’t know anything at all about love. I’m sorry. I truly am. We started right. Pero mahirap pala talagang magmahal ng taong hindi marunong magmahal.”

Kuhang-kuha ni Bob Ong ang sentimyento ng isang kasintahang ‘tila hindi nabibigyan ng oras at sapat na pansin ng nobyo. Totoo naman kasi. Ganito naman kasi talaga ang maraming kababaihan, kahit na ako eh. Gusto natin na madalas kasama ang kasintahan. Na may oras palagi tuwing Sabado o Linggo para lumabas o kaya ay tumambay lang sa bahay ng isa. ‘Yun nga lang may mas malalim na dahilan kung bakit hindi mailaan ni Juliano ang lahat ng oras niya para sa nobya. Ewan. Nasaktan ako sa bahaging ito. Sino ba naman ang hindi maaapektuhan ‘pag sinabihan ka ng You don’t know love. You don’t know anything at all about love.” Eh dahil nga sa pag-ibig kaya nabubuhay ang tao, tapos sasabihan ka ng ganoon. Ang sakit hindi ba?

Sa isang relasyon kasi kailangan mayroong isang mas nakakaintindi, mas nagbibigay. Oo mahal niyo nga ang isa’t-isa pero hindi pa rin mawawala ang inyong pagkakaiba. Pareho kayong nagmamahal, pero malabong maging pareho kayo sa paraan ng pagpapakita ng inyong pagmamahal. Opinyon lang naman. (Pero ibang usapan na ‘pag may isang nanloko ha. Ibang usapan na talaga ‘yun!)

Natuwa ako sa binasa ko! Sulit ang ginastos ko at ang oras na inilaan ko para basahin ito. Hindi rin ito ang huli dahil gusto ko at kailangan kong basahin ‘to ulit. Marami pa akong gustong maintindihan sa mga isinulat ni Bob Ong. Dahil paurong nga ang kwento, magandang magkaroon ng ‘recall’ sa mga nabasa na para naman hindi na ‘ko malito pagdating sa mga susunod na pahina. 🙂

Isa pang nakakatuwa noong binabasa ko ito, gumagana talaga ang imahinasyon ko. Kung paano naganap ang kasal, kung paano naganap ang kanilang unang pagkikita, ang kanilang paghihiwalay at marami pang iba. Kaya mas lalo ko talagang na-enjoy ang istorya! Salamat Bob Ong!! Husay mo talaga! Gustong-gusto ko talaga ang iyong istilo ng pagsusulat! Patuloy kitang susuportahan! ‘Wag kang magsasawang magsulat ha at magbahagi ng iyong mga kwento. Hanggang sa muli! 🙂

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s